Nasyonalismo at Panitikan
Noong Martes (Hulyo 4) ay um-attend ako ng forum sa University of Santo Tomas na inorganisa ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) at UST Center for Creative Writing and Studies (UST-CCWS). Nasyonalismo at panitikan ang tema. Punung-puno ang conference room nang dumating kami ng kasama ko at nasa kalagitnaan na ng kanyang lektyur si Sir Bomen (na as usual, super jolly at laging nakangiti). Pinipilit kong mag-catch-up pero hindi ko na masundan kung ano ang mga pinaghugutan ni Sir tungkol sa kahalagahan ng pagpapanahon sa kasaysayang pampanitikan. Bumabagsak na ang talukap ng mga mata ko
At pag ganitong bored na ako, wala akong kalaban-laban. Kusa akong iniiwan ng kaluluwa ko. Kung saan-saan napapadpad.
Una kong napansin sa audience si Ms. Zorayda Sanchez. Patawarin ako pero natatawa ako sa kanya. Dahil na rin siguro sa hindi ko maalis sa isipan ang imahe niya sa pelikula at telebisyon (aba, compliment ito, isa siyang cultural icon). Hinding-hindi ko malilimutan ang fairy role niya sa “Petrang Kabayo”. Kung singkapal lang ng ho;;ow blocks ang mukha ko, magpapa-autograph tala ako.
Sinitsitan na naman ang boredom kaya iginala ko ang paningin ko sa audience. Si Dean Almario pala andun rin. ‘Pag nakikita ko siya naaalala ko yung minsan na pumasok ako sa office niya nang walang kaabog-abog. Naabutan ko siyang walang pang-itaas. Laki ng tiyan ng lolo mo. Pinagalitan ako at pinagtabuyan. Nasa audience din ang ilang personalidad sa panitikan tulad ni Sir Baquiran, Sir Vim, at Ruth Mabanglo. May ilang estudyante at guro rin mula sa San Sebastian, at…hindi ko na matandaan ang iba. Pinakamarami ang mga estudyante sa UST na chikahan nang chikahan.
Natapos ang lektyur ni Sir Bomen.
Sumunod na binasa ni Ma’am Ruby Alcantara ang papel ni Soledad Reyes tungkol sa kulturang popular at nasyonalismo.
Ang haba.
Boring.
Lumabas ako, at bumuli ng makakain sa Wendy’s. Pagbalik namin, hindi pa rin tapos ang pagbasa ng papel. Sagad-sagaran na ito.
Open forum.
Ang bagot ng mga tanong. At ang bagot ng mga sagot.
Hindi ako sang-ayon sa sinabi ni Dean na hindi mahalaga ke Ingles o ke Filipino ang midyum ng pagtuturo sa panitikang Filipino; ang mahalaga raw, effective ang pagtuturo. Sa palagay ko, mas effective kung sa Filipino ituturo ang kurso. Hindi lubusang maka-capture ang essence ng panitikang Filipino kung Inggles ang gagamiting wikang panturo. Lalo akong nadismaya nang hindi man lang sumagot si Sir Bomen.
Mahalagang tinalakay din ang panitikang rehiyunal at ang pakikipagtunggalian nito sa panitikang pambansa.
Marami naman akong nakuhang ideya sa forum. ‘Yun nga lang, sana dumating si Dr. Bienvenido Lumbera o kaya naman ay may inihandang papel. Ang National Artist, may LBM.

0 Comments:
Post a Comment
<< Home