Before and After: Paano na ang After ng After?
Aliw na aliw ako 'pag nanood ako ng mga makeover show sa TV - Ambush Makeover, Queer Eye for the Straight Guy, atbp. Maging ang Gandang Ricky Reyes, pinapangas ko. Gustung-gusto ko 'yong idea na "before and after". Minsan, daig pa ng mga ito ang mga suspense na pelikula; napakataas ng element of surprise. Nar'on ang anticipation na kailangang maganda ang kalalabasan. Tingnan mo a, isang babaeng "kulang sa kagandahan" ang pauupuin sa harap ng salamin. Lilinisin muna ang mukha. Foundation. Blush-on. Eye liner. Lash curler. Lipstick. Isusunod ang buhok. Suklay..suklay..suklay...Hair curler. Spray net (ang ozone layer!). Blower. At final touch ng ating artist. Voila! Ready'ng ready na ang before and after photos.
Ganito rin sa buhay. Ngayon, nagkukukot ka sa ilalim ng tuloy. Bukas, naglalakbay ka na sa loob ng mansiyon. gayon lalaki ka. Bukas, babae ka na. Ngayon, isa kang pinagpipitaganang guro sa Unibersidad. Bukas, nasa Canada ka na at naghuhugas ng puwit ng matatanda. Ngayon, isa ka sa pinakamaalab na taga-atake sa baluktot na sistema ng pamahalaan. Bukas, nakikipagkamay ka na sa tutang pangulo. Before and after.
Sasabihin mo, dakila si Ricky Reyes. Sa isang banda, oo. Sino nga naman ang hindi hahanga sa isang taong ang purpose sa buhay ay manligaya ng ibang tao gamit ang kanyang magic wand. Sa isang banda, mag-iisip ka. Pa’no pagkatapos ng after sa before and after? In other words, after ng after? Tuwid na tuwid pa kaya ang pinlantsang buhok, o tumitikwas-tikwas na? Maayos pa kaya ang make-up, o lusaw na dahil sa langis na umaagos palabas sa pores? ‘Yan ang problema sa 30 minutong solusyon sa kagandahan.
Aanhin ang kagandahan at kaginhawaan kung panandalian lang naman ang mga ito? Lalo lang aasa ang kliyente sa kagandahang hindi naman maaring mapasakanya. Ang taong bayan naman ay lalong malulugmok sa karukhaan. Bakit hindi na lang tayo kumawala sa kahon ng Kanluraning konsepto ng kagandahan, para once and for all, tapos na ang problema? Bakit hindi mag-implement ng mga programang tumutugon sa tunay na pangangailangan ng mararalitang Pilipino? Bakit pinapaasa ng pamahalaan ang taong bayan gaya ng pagpapaasa ni Ricky Reyes sa kanyang mga kliyente?

0 Comments:
Post a Comment
<< Home